9 hour non-stop flight to doha via qatar airways. ito ang pinakamatagal kong byahe sa eroplano. pero ayos lang naman kasi maganda naman ang entertainment service sa loob (wala nga lang live show. tsk). bawat seat kasi may sari-sariling monitor at pwede ka pang mamili ng gusto mong gawin. arabic, asian or internatinal na movies, music, tv show, documentaries, news. wide variety of choices. nakasakay na rin ako sa plane na ganito ang feature, pero 3-hour flight lang kaya di ko gaano naenjoy lahat.
una kong pinanood ang
jumper, pero naburyo lang din ako kaagad kaya hindi ko na pinagaksayahan pa ng panahon.
lipat ako sa
i am legend. same story. inantok lang ako lalo pero dahil wala ako sa mood matulog, lipat ako ulit.
ewan ko ba, sukang suka ako sa pagmumukha ni jinggoy estrada pero pinindot ko pa rin ang
katas ng saudi. oo alam ko, napakajologs ko at wala akong taste. pero aaminin ko, naaliw ako. hehehe. hindi ko namalayan nageenjoy na pala ako sa panonood. and heres why.
20 years nag-ofw sa middle east ang tatay ko. binata palang sya, dun na sya tumatambay. in short, lumaki din ako na walang tatay. although umuuwi naman sya taun-taon, meron pa ring mga adjustments na ginagawa kapag umuuwi sya. saka parang may bigla na lang na stranger na lilitaw sa bahay nyo. ang hirap nun, nagtrabaho ka nang matagal sa malungkot at impyernong lugar, pagkatapos malalayo ang loob ng mga anak mo sayo. pero sa case namin, ilang araw lang, nakakapag-adjust na kaming magkakapatid sa kanya (dahil madami kaming pasalubong).
nang patapos na ang movie, napansin ko na lang parang mamasa-masa na ang mata ko (shiyet, ang jologs ko talaga). tinamaan ako doon sa dialogue nila shaina at jinggoy. asar na asar kasi itong si shaina sa tatay nyang walang manners kaya ikinahihiya nya ito, pero ipinamukha sa kanya ni jinggoy na ang taong ikinahihiya nya ay ang taong 10 years naghirap sa saudi na malayo sa pamilya, halos mabaliw sa kalungkutan para lang kumita ng malaki laki para makasabay silang magkakapatid sa agos ng buhay, makapasok sa exclusive schools, magkaroon ng mga astiging gadgets, magkaron ng mga kaibigan na alto sociodad (tama ba?) etc etc.
parang tabak na dalawa ang talim, nakakarelate ako. naranasan ko kasi ang maging anak ng isang ofw, at ngayon, ako naman.