Showing posts with label ardyey's angels. Show all posts
Showing posts with label ardyey's angels. Show all posts

Friday, July 22, 2011

extra rice please

biruin mo, sabi ko dati sa sarili ko hinding hindi ako pupunta ng saudi para magtrabaho. pero nandito na ako ngayon at lagpas dalawang buwan na. ok naman ako dito. mabilis din ang oras kapag paulit ulit na ang ginagawa. kailangang magtiis para makaipon.

kailangan ng pambili ng kanin at kung hindi'y baka magalit ang anak ko kapag nagutom.

Tuesday, February 1, 2011

ang kawawang cowboy

2:30 ng madaling araw:

yohan iyak iyakan,
daddy gising,
timpla dede,
daddy dede
palit diaper,
greet pibertdei,
balik tulog silang dalawa.

salamat po sa isang taon.


happy birthday, cowboy!

Sunday, October 3, 2010

the representative

kapag tumapak na ang mga 'ber months', masaya kadalasan ang atmosphere sa amin dahil sunod sunod na ang birthdays naming pamilya.

september si ate, october si mommy at bunso, november ako at si daddy ay december.

at ngayon nga ang birthday ni mommy. pero wala ako sa pilipinas kaya pinadala ko na lang ang aking representative para makasama nila.




ang aking best gift ever sa kanila, na bagong diwang din ng kaniyang ika-8th month. love you all.

Thursday, July 1, 2010

5th

halfway na ng year 2010. sa totoo lang, napakabilis ng taon na to. kumbaga, parang premature ejaculation lang sa bilis. konting aksiyon, tapos. ganon lang siguro kapag very routinary ang ginagawa mo. work and after work.

ang gusto ko lang naman tumbukin, limang buwan na agad ang aking prinsipe. nakakatuwa sa tuwing nakikita ko ang mga latest pictures at videos na ipinapadala sakin. parang malayo man, malapit din. lalo akong naaatat makipaglaro at makipaghuntahan sa kanya. dumadami na kasi ang talent, bukod sa panonood ng kay angelica bilang rubi.


happy 5th month birthday sa'yo anak. one thing is certain, hindi ka aabot ng 6 months nang hindi tayo nakakapag-beerhouse nakakapag-bonding. i'll be home soon.

Tuesday, May 4, 2010

ang ibang lalaki sa buhay ni bachoinkchoink

nagcelebrate ng 3rd month birthday ang aking unico noong isang araw. ang bilis ng araw, para lang siyang hinihipan ng hangin kada araw.

2 week old pa lang siya noong umalis na ako para magtrabaho na ulit dito sa qatar. kaya nga excited na ko ulit para sa aming magiging unang pagkikita. hindi pa kasi siya nakakakita nung mga panahon na yon. pagbalik ko, makikita na nya ang ama nyang tall, dark and happy.


itong si yohan ay 2 years in the making. kay tagal hinintay. pero its all worth it. kakaibang saya ang dulot hindi lang sa aming mag-asawa kundi pati na rin sa buong pamilya. kahit nasa abroad ako at ang misis ko lang ang naiiwan sa aming anak, i can see the glow in her eyes sa kanyang pag-aalaga kay buncho.

punung-puno ng pagmamahal. siksik, liglig at umaapaw.

at ngayong tatlong buwan na siya, meron na siyang paboritong hobby tuwing magcha-chat kami sa gabi. ang panoorin sa tv si angelica panganiban bilang si rubi.

Tuesday, February 9, 2010

Yohan Iñigo's first week

after waiting for more than two consecutive years to have a baby, finally, a 7.5lbs 50cm bouncing baby boy came.

here are the first week photos of our baby yohan.

Day 1: miracle of birth

Day 2: still at nursery

Day 3: yohan is home

Day 4

Day 5

Day 6: i'm already 52cm

Day 7: feeding time

Day 8


yes, there's really a God.

Friday, January 22, 2010

approximately 9 days BY

isa sa pinakamasarap at pinakarewarding na pakiramdam para sa mga ofw kapag papalapit na ng papalapit ang araw ng paguwi after gruelling months of work. medyo matagal na rin akong pabalik-balik ng pilipinas pero masasabi kong bawat paguwi ay merong kakaibang unique excitement. it's just keep getting better, ika nga.

kakaiba ang feeling itong susunod na bakasyon ko. magkahalong excitement at kaba. bakit? bachoinkchoink is on the last leg of her pregnancy. and we ought to meet a brand new person sometime on the first week of february.

what is the date today? approximately 9 days BY(before Yohan).



we are all excited for you, my little man.

Tuesday, December 8, 2009

name game

nanaginip ako kagabi na lumabas na daw ang baby ko. my little baby clawed his way out right in front of his mother's tummy, literally. sa lakas ng baby eh napunit daw niya ang tiyan ni bachoinkchoink at doon siya lumabas.

kaya sa panaginip ko, Claude daw ang ipinangalan namin. kasi nga, he 'clawed'.

ayoko. lagi ko lang maaalala si Van Damme.

naisip ko rin na kapag malaki na siya at matigas na ang ulo, ang maisisigaw kong pangalan niya ay CLAUDIOOOO!

ansagwa.

Wednesday, November 25, 2009

Tuesday, November 10, 2009

be iba!

oo nga pala. mali pala ang hula ng karamihan samin. hula kasi ng karamihan, girl ang magiging baby namin dahil sa matinding aura (naks) ng misis ko. pero the week before ng ultrasound lang nila nadiscover na maitim pala ang batok niya.

and so a betlog was spotted. and he is kikoman (kee-koo-man). medyo malalim-lalim ang ibig sabihin ng kikoman. spill ko na, makinig mabuti, eto na: kick daw kasi ng kick ang baby sa loob, ang there goes kikoman.



sabi nila, matalino daw ang magiging anak paglaki kapag habang nasa sinapupunan pa lang ang bata ay pinapakinig na ng classical musics.

ibahin nyo si kikoman.

dahil bukod sa classical musics, nakikinig din siya ng Dr. Love Radio Show with Jun Banaag tuwing gabi.

♫ kung ika'y binata pa, at wala pang asawa, wag ka nang mag-alala at meron pang pag-asa, god bless you mama mary loves you ♪...

Saturday, September 12, 2009

baby under construction

today marks the first birth and death anniversary of our twins. ang bilis ng panahon! kung tutuusin, dapat kalimutan na lang para hindi masakit kapag inaalala pa. pero it also marks the day when my beautiful wife was given her second life. dahil lalong malalagay sa panganib ang buhay nya kung patatagalin pa ang mga babies sa kanyang sinapupunan. kumbaga, nailabas ang mga babies in the nick of time. at iyon ang gusto naming alalahanin sa araw na 'to, thanksgiving.

bachoinkchoink is in her 18th week of our third baby. so far so good, very very good compared last year. kung totoo yung kasabihang kapag maganda at blooming ang buntis ay babae ang magiging baby nya, siguro ay babae na naman ito (pero kapag humarap siya sa akin sa webcam nang hindi pa naliligo, wari ko ay lalaki. hehehe).

binibiro ko nga siya. sabi ko next year ulit gawa kami baby para blooming siya ulit lagi. hehehe. bisyo na 'to.

(ninenok lang ang larawan dito)

Wednesday, September 17, 2008

recap

september 10 nang dalhin sa ospital si bachoinkchoink dahil sa contraction ng kanyang tiyan. nang mawala ng bahagya ang pananakit dahil sa mga gamot at turok, under constant monitoring na siya at kambal sa delivery room maya't maya. hindi pa muna inultrasound at minonitor lang ang heartbeats ng dalawa, at normal naman. ang unang plano ng mga doktor ay magstay na si bachoinkchoink sa ospital hanggang sumapit ang ika-7th month ng kanyang pregnancy para makapagcomplete bedrest talaga siya sa ospital, siya ay nasa 6th month sakto pa lang.

september 12, 3:00pm, nang isagawa ang scheduled ultrasound sa kanyang tiyan at doon na nga nagconclude ang doktora na very very slim or almost impossible ang survival ng dalawa kong anghel. nagkaroon na kasi sila ng tinatawag na twin to twin transfusion syndrome. sa madaling sabi ay sharing sila ng veins at nutrients na tinatanggap, merong donor at recipient sa kanila. kaya ang resulta, payat na payat at halos walang dugo ang isa, samantalang malaki at puro tubig naman sa katawan at ulo ang isa. nagiging visible lang daw ang ganitong problema bago dumating ang 26th week.

halos wala na daw magagawa para sa survival ng dalawa kahit pahinugin pa sila sa tiyan ni bachoinkchoink ng another month. so we decided na tanggalin na sila sa tiyan and hope na masurvive sila, kaysa sa loob pa sila mamatay at madamay pa ang maganda kong asawa.

hindi ko pa alam ang totoong sitwasyon noon. ang sabi lang sa akin ay ini-schedule na daw ng c-section si bachoinkchoink at umuwi na daw ako. friday noon kaya walang tao sa opisina kaya hindi ako makapagpa-book ng flight agad agad. nakausap ko pa ang asawa ko bago siya manganak, and she seems to be excited and ecstatic sa pagkakabalita nya sa kin, to assure me that everything is alright. although nalaman na nya sa ultrasound na ang survival rate ng mga bata ay 1% lang. doon ako sobrang touched kay bachoinkchoink, kahit sa ganoong sitwasyon ay ayaw nya akong mag-alala habang ako ay nasa malayo.

ceasarian section... groggy na si bachoinkchoink ko ng marinig nya ang unang umiyak na sanggol. 3 seconds. yun lang ang itinagal ng 'recipient' twin na puno ng tubig ang katawan. 2.5 liters of water was removed from her body. pinaalalahanan din sya ng doktor na wala na nga siya.

2nd baby comes out, at halos isang dangkal lang siya at payat na payat. tinutulungan ng parang bag para lang makahinga. 10 minutes lang siyang umiyak at pagkatapos non ay wala na. pagkatapos ay another 3 liters of water has to be removed from her womb.
hindi na nakita ni bachoinkchoink ang aming babies, pero narinig niya ang sandali nilang pagiyak.

at doon pa lang ibinalita sakin ng daddy ko ang nangyari nang tumawag siya sa akin sa qatar. alam ko namang anything can happen kaya i already braced myself to hear the worst. nang marinig ko ang boses ng daddy kong "hello jay... wag kang mabibigla...". that's it. alam ko na agad ang ibabalita nya. ang concern ko na lang ay kung kumusta ang asawa ko pagkatapos ng operasyon. tinanong din ako kung ibuburol pa ba o ipapalibing na agad. sa totoo lang, parang ayaw ko makita ang sitwasyon nila. sabi nga rin ng daddy ko, hindi rin makakatulong sa aming mag-asawa.

september 13, 2:00pm, nang ilibing ang dalawa naming anak sa iisang lalagyan.

september 14, 5:00pm, doon pa lang kami nagkita ni bachoinkchoink sa ospital derecho galing ng airport. everybody was cool and joking around, to keep the atmosphere happy. oo malungkot, pero mas nananaig sa amin ang pagiging thankful dahil walang masamang nangyari sa bachoinkchoink ko.

kapag pinatagal pa ang twins sa loob, baka mas masama pa ang mangyari sa asawa ko. kung magsurvive man ang isang baby, maaaring abnormal at puno ang complications. kinuha na agad sila ni Lord para hindi na nila maranasan ang mga iyon, at iniligtas din ang asawa kong maganda sa sakit ng dulot ng pagbubuntis nya.

* * *

ang mga anghel naming umakyat na sa langit ay identical twin girls pala. hindi rin pala 100% reliable ang ultrasound results.

* * *

gusto kong magpasalamat sa aking mga kaibigan, kakilala at mga napadaan na nagpahatid ng kanilang panalangin, sentimyento at comments para sa aming pamilya sa pagkakawala ng pinakahihintay naming mga anghel. salamat sa mga nakihintay, naki-update, nakisabik, nakiramay at nakidalamhati.

alam kong lahat tayo ay naging excited habang palapit ng palapit ang kanilang pagdating pero minsan may kaloob ang langit na dapat nating tanggapin sa ayaw natin at sa gusto.

especially sa mga kaibigan kong nag-effort pa ng pagpost sa kanilang mga blogs, hindi ko rin maisalarawan kung paano ako relieved nacomfort at may virtual akong mga kaibigan na concerned. parang 'tccic' ba.

1. insan gasoline dude
2. lyzius
3. mareng betchay aka utakmunggo
4. mariano
5. ms. maru
6. ron turon
7. pareng badoodles
8. chico
9. trishabiik

maraming salamat sa inyong lahat. kung meron man akong hindi alam, kalabitin nyo na lang ako. gustu kong malaman nyo na naappreciate ko kayo.

let's cheer up and move on. standby lang kayo at magse-second honeymoon muna kami. =D

Friday, September 12, 2008

all of a sudden

wala na sila. kailangan na sila sa langit.

uwi na ako ng pilipinas bukas.

Tuesday, September 2, 2008

interview with the vampire bachoinkchoink

excited na ko sa pagdating ng aming munting mga anak. malalaman ko na rin ng lubos kung ano ang feeling ng pagiging daddy pag narinig ko ang kanilang unang iyak. maeexperience rin namin kung ano ang pakiramdam ng maging magulang sa isang pares ng kambal.

naitanong ko na rin sa sarili ko noon kung kumusta naman kaya ang magiging buhay ko ngayon kung nagkaroon ako ng kakambal ko. una kong naisip na ang sarap sarap siguro ng meron kang permanent companionship at sanggang dikit na maituturing. meron kang malalapitan sa lahat ng oras at kayo kayo ang matutulungan, dahil kayo ay kambal.

pero minsan nao-overlook natin na marami ring hirap ang pinagdadaanan ng mga multiples. halos lahat ng happily ever after ending ay nagsisimula sa masalimuot na once upon a time.

you can never have the full attention of your parents. laging hati dahil pareho kayong dapat bigyan ng atensyon. you and your sibling are on a constant comparison with each other. mula sa pagiging baby, sa paglalaro, at maging hanggang school. marami pang iba.

* * *

mas maeexplain ng isang taong may kakambal ang mga bagay na ito. buti na lang, natyempuhan ng ardyeytology para sa isang maikling interview si bachoinkchoink, ang maganda kong asawa na buntis sa kambal, at meron ding kakambal na lalaki. adik. hehehe.

ardyeytology: how was the kids baby kong jontis?

bachoinkchoink: eto nakahiga lang kami. kanina tahimik lang sila, tinapatan ko ng music, ayan nag-gagalawan na naman. nag-sasayawan siguro. hehehe.

ardyeytology: hahaha kakatuwa. siguro pwede natin sila isali sa sexbomb at sa universal motion dancers. teka matanong lang kita, kumusta naman ang buhay nyo ni ogidapogi noong mga bata pa kayo?

bachoinkchoink: we really had sibling rivalry since childhood. puro away talaga. andiyan maghabulan ng tadyakan, sabunutan, suntukan at kagatan. andiyan butasan ko alkansiya nya at kunin ang pera. andiyan gupit-gupitin nya shoes ko, basta gamit ko. basta may lihim siyang galit sa akin kasi tinusok ko ng pencil ang gilid ng mata niya at tinadyakan ko balls nya nung bata pa kami. pinukpok naman nya binti ko ng plastic na pamaypay na matigas kaya nagpoklat.

ardyeytology: kaya pala sanay na sanay ka sa mixed martial arts kapag binubugbog mo ko no?

bachoinkchoink: gago.

ardyeytology: ok next question, kumusta naman sa school? Lagi ba kayong napagkukumpara?

bachoinkchoink: mas matalino siya at gusto ko lage papaturo or kokopya ng mga assignments for reasons na hindi na ko mahirapan at tama answers ko. ayaw nya kahit bigyan lang ako ng clue or hints or turuan how he solved that pero ayaw nya. bahala daw ako magdiscover ng ginawa nya. madamot yan pinaturuan sya organ nung bata kami, there were nights na umiiyak ako sa gabi dahil bakit siya pinaturuan at bakit pag natuto lang siya saka lang ako tuturuan, hindi rin niya ginawa dahil gusto nya siya lang magaling. we were always being compared. lagi siyang pinagmamalaki kasi laging honor, well ako honor din nun. nung tumagal, top na lang ng class.

ardyeytology: siguro puro abnoy, adik at mga sintu sinto mga classmate mo noon kaya nag nagto-top?

bachoinkchoink: abnoy parang ikaw. hehehe.tsup!

ardyeytology: pogi naman. hehehe so pano ka naka-cope up at paano ka nag-aadjust?

bachoinkchoink: well, hinayaan ko na siya sa academics. extra curricular like dancing, declamation and drawing ako nag-excel in which he tried doing also pero hindi nya kinaya pantayan, mas magaling pala ako sa kanya. mula nun naovercome ko na yung selos at competition.

ardyeytology: buti hindi na kayo nagsisipaan, sapakan at tadyakan ni ogidapogi ngayon, sagwa na eh. Ang laki laki nyo na. Kelan kayo naging close na?

bachoinkchoink: we have to live together in an apartment nung college. nung una, nagsusungitan kami at hindi masaya. until we discovered the goodness in each one of us. pinaglalaba ko na sya at gentleman na sya sakin. dahil film ang kinuha nya, sometimes he even consulted my ideas at ganun din ako sa kanya sa mga projects and assignments ko. we learned to trust each other and became very supportive sa isa’t isa.

ardyeytology: buti naman at happily ever after ang nangyari sa inyo. at least meron kang maraming idea on how to raise our twins well, dahil dumaan ka rin sa may kakambal sa paglaki. salamat sa pagpapaunlak sa aking interview. isang tanong na lang, ano ang masasabi mo sa nalalapit na laban ni idol pacman at golden boy?

bachoinkchoink: ewan! whatever!

ardyeytology: tignan mo to…labyu.

Friday, August 15, 2008

oh girl!

is there anybody going to listen to my story, all about a girl who came to stay?

matapos ang ilang buwan na hindi ako patulugin sa curiosity ng pangalawa kong kuting na mahiyain, confirmed! it’s a baby girl! kumpleto na ang barkada ko, meron na kaming magiging daboy and dagirl!


kanina ay ang pangatlong scheduled checkup (20th week) ni tabachoinkchoink ko sa doktor at sinilip ulit ang dalawa sa loob ng tiyan para tignan kung okey lang ba ang buhay buhay nila sa looban. sumama si daddy at mommy ko para may special participation ang mga lolo’t lola na excited na rin sa kanilang unang apo.

mas malaki daw talaga si dagirl and she weighs around 0.344gms samantalang ang kapatid naman nya ay mas mababa ng kaunti ang weight division, 0.300gms si daboy.

pasag daw ng pasag at mas aggressive si big sister. huling huli pa nga ng 'bitag extreme' ang kolokoy na hine-headbutt ang kanyang mahal na kapatid. hindi na ako magtataka kung paglabas nila eh makita kong may bukol, pasa at kalmot itong si daboy. hehehe.

nauna na namin nalaman na boy ang isa sa kanila, kaya hiling talaga namin na sana girl naman yung isa. although gusto ko magkaroon ng baby boy dahil masarap itong makalaro ng mga larong pang-barako, i think one is enough. masarap din magkaroon ng baby girl dahil masarap silang maglambing at magpacute. gustu ko din magkaroon kami ng isang daddy’s girl.

ngayong confirmed na ang identity ng dalawa, makakapag-isip na rin kami ng malinaw sa wakas tungkol sa ibibigay naming pangalan sa kanila. mahirap din pala magpangalan lalo kapag hindi mo pa alam kung boy-boy or boy-girl ang magiging anak mo. dapat kasi maging bagay o angkop ang itatawag sa kanila. kumbaga, dapat relevant at may meaning kahit papano ang maging pangalan nila, hindi iyong kahit ano na lang na mapagtripan. baka sa future eh mabasa ng mga anak ko ang pangalan nila sa mga listahan ni coldman. inangkupo! hehehe.

salamat po.

Sunday, July 27, 2008

parang kailan lang...

nitong nagdaang mga araw, lalo akong naiinip sa dalawa kong kuting. sila kasi ang mga unang anak namin ni bachoinkchoink at mga unang apo ni daddy at mommy. naglalaro na ang isip ko kung pano ko sila kakargahin at paliliguan at papalitan ng mga lampin. umaabot na rin ang imagination ko kung paano at saan kami maglalaro, kung saan kami mamamasyal at kung anu ano pa.



napapa-isip tuloy ako tungkol sa buhay buhay. sobrang nabibilisan kasi ako sa panahon. parang kailan lang kasi nung ako palang ang 'baby' ng mommy ko. meron akong natatandaang mga scenario ng mga pangyayari nung bata pa ko na sariwang sariwa pa rin na parang ilang araw o buwan pa lang ang nakakalipas.

1. paborito kong ulam noon ay tocino. hindi pa ako makalunok ng karne ng baboy noon kaya si mommy ang kumakain ng laman at ibinibigay nya sa akin ang taba. nasa bilugan kaming lamesa namin noon. tandang tanda ko pa ang eksena na yon, parang kailan lang.

2. 3 years old ako noon at kapag sabado, sinasama ako ng mommy ko sa office nya sa may mabini. kabisado ko pa ang linya ng LRT mula monumento at pedro gil. gustung-gusto ko sasama dahil bukod sa nakakapaglaro ako ng computer game sa office, nakikita ko pa ang anak ng officemate ni mommy na mas matanda di hamak sa akin na crush ko. musmus pa lang, may halay na. tandang tanda ko pa ang mga araw na yon, parang kailan lang.



3. nung una akong matae sa brip nung kinder sa school, sobrang lamig ng pawis ko at sobrang nerbyos sa kahihiyan. ang ginawa ko, sumilip-silip ako sa ilalim ng mesa na kunwari may naaamoy ako na mabaho. sabay turo at sigaw ng malakas sa katabi kong si emmanuel ng "AMBAHO! MAY TUMAE!". siya tuloy ang napagbintangan at napagtawanan hanggang uwian. paguwi sa bahay, galit na galit ang yaya kong si lola rosa at ako ang pilit pinaglaba ng brip kong puno ng ipot. syempre di pa ko marunong maglaba non. tandang tanda ko pa ang eksena na yon, parang kailan lang.

4. isang mainit na hapon sa graduation day nung kinder, pagka-akyat sa stage, inabot ni mrs. llenado (principal) ang kamay nya sakin. imbis na shake hands, nagmano ako. parang kailan lang.

5. tuwing kasagsagan ng init ng hapon, paborito naming past time noon ng mga kalaro ko ang manghuli ng tutubi, manghuli ng gurame at butete, at maglaro ng apoy sa basurahan (at iyan ang mga dahilan ng pagkakaroon ng lalaking nognog). tumatambay din kami sa itaas ng puno ng aratilis para magkuwentuhan ng kung anu-ano basta tungkol kay pedro at juan. tandang tanda ko pa ang mga alaala na yon, parang kailan lang.

6. nung magkasunod na ipinanganak ang dalawa ko pang kapatid, hindi ako nagselos katulad nung sa commercial ng mcdo. tuwang tuwa ako sa kanila dahil ang cucute nilang dalawa noon (hindi na ngayon. hehehe joke lang). ang liliit pa nila noon, at nauuto ko pa lagi. kapag nag-aaway, sila lagi ang magkakampi. i miss those days, parang kailan lang.



madami pa akong masasayang memory nung kabataan ko na kung iisipin ay parang kailan lang. parang masarap balikan ang ganung panahon na sa tingin ng bata, napakasimple lang ng mundo. quarter-life crisis yata ang tawag dito. naiisip ko kasi ang pakiramdam tungkol sa mundo ng mga kuting ko paglabas nila. kung ano-anong first times ang mararanasan nila na napagdaanan ko na din. sana maranasan din nila ang mga naranasan ko, childhood well spent, parang ganon.

Sunday, July 20, 2008

chikkaminute! 'the kutings' updated

nung isang araw ay ang scheduled check-up sa doktor ni bachoinkchoink ko. 4 months na kasi ang mga kuting kaya tinignan kung ayos pa naman ang buhay buhay nila sa loob. ayos naman daw ang bilis ng heartbeat ni twin 2, pero ang kay twin 1 ay hindi daw ganun kabilis. ano kayang ibig sabihin non? sa totoo lang, konting balita lang na ganyan eh kabadong kabado na ako. medyo nahirapan pa nga daw si doktor sa kakahanap, yun pala ay nasa may bandang singit na ito ni bachoinkchoink.

medyo nangangayayat din si bachoinkchoink ko. she's still 124 lbs (same as last month) kahit nag-increase dramatically na ang kanyang tiyan. nilalakasan naman daw nya ang pagkain pero hindi siguro makacatch-up ang katawan nya dahil dalawang matatakaw ang sinusuplayan nya ng sustansya. parang mga squatter na naka-jumper sa poste ng kuryente.

posible daw na first week of december kunin ang mga sanggol sa loob kung hindi mag-early labor si bachoinkchoink. by the 6th month daw, bawal na talaga ang mga lakad lakad at strictly bahay at bedrest lang sya. baka daw kasi baka mapa-anak sya ng maaga-aga. the longer they stayed on choinkchoink's womb the better.

iniinform ako ni bachoinkchoink time to time kung ano ang nararamdaman nya. kanina, parang mayron daw sumusumpung-sumpong na sakit sa lower left ng kanyang puson, dun sa pwesto ni twin 1. pero hindi naman daw extreme ang sakit tulad ng mga signs ng miscarriage. pasulput-sulpot lang daw, iniisip ko na lang para hindi ako mapraning, ay nilalaro-laro na ni twin 1 ang kung ano-anong bagay sa loob. that idea makes me feel better.

kung first week ang 'pag-aani' sa mga babies ko, i'll be home last week of november. gusto ko nandun ako sa tabi ni bachoinkchoink paglabas na aming babies. ako nang bahala bumili ng crib at strollers paguwi ko dahil hindi na ito maaasikaso ng maganda kong asawa. at syempre dapat may part din ako sa paglabas ng mga future barkada ko.

four and a half months to go, tumatanggap pa rin po kami ng panalangin.

Saturday, June 21, 2008

babies in black

our babies are now on the 12th to 13th week, kaya bumalik si carol sa doktor para sa kanyang checkup. ang first trimester daw kasi ng pagbubuntis ang pinakamaselan, kaya pinag-ultrasound sya ulit para makita kung nasa tama ang paglaki na ang mga babies ayon sa kanilang age.

nagresearch din ako sa internet kung ano na ang status ng isang fetus na 12 weeks old, at eto ang resulta:

“Week 10: The fetus can bend, stretch, make fists, open hands, lift its head, squint, swallow and wrinkle its forehead.

Week 11: The fetus is now two inches long. Urination occurs.

Week 12: The fetus now breaths amniotic fluid, sleeps, awakens, exercises, turns its head, curls its toes and opens and closes its mouth.

Week 13: Fine hair has begun to grow on the head, and sexual differentiation has become apparent.”


as it turns out, eto ang nakita sa ultrasound (malabo dahil mms lang ito na isinend sa akin). i would like you to meet sila tee-wan and tee-tu, laging magkasama, sa lahat ng oras sila ay masaya:




aninag nyo ba? ako rin nung una hindi ko magets, kung hindi ko pa pinalagyan ng label. sa awa naman ni God ay healthy daw ang magbarkada at normal na normal ang heartbeats.

magkaharap ang dalawa, nagtsitsismisan na siguro. si tee-wan pa lang ang nalaman ang gender. yes pipol, i will have a baby boy. nakitaan kasi ng maliit na etits na malamang nagmana sakin. si tee-tu naman daw hindi pa malaman ang kasarian. ayaw magpasilip ng private part kasi naka-pahalang daw ang position, ang bata bata pa eh mahiyain na. Ang anak ko naman, nambitin pa. padyak daw ng padyak si teetu, siguro pedicab driver ito paglaki.

ang cute, parang mga kuting lang. hehehe ganito pala ang feeling. bawat bata talaga na pinapanganak ay isang himala. ang galing galing talaga. parang last month lang, kasing laki lang sila ng dalawang sago, ngayon buong buo na ang itsura nila. meron na nga raw silang buhok, buti pa sila.

ang lagi ko lang hiling, sana tuluy-tuloy pa ang healthy development nila sa mga susunod na buwan. sa walang mangyaring any untoward incidents. pati sana si choinkchoink ko ay maging maayos. nag-lose kasi siya ng 7 lbs dahil walang gana sa mga kinakain kahit laging gutom. sana ako na lang magbuntis para mabawasan ang timbang ko.

kaya nananawagan ako kung sino man ang magiging sponsor ng dalawa kong kuting, maaari na po kayo bumili ng mga gamit nila ngayon pa lang. baka kasi mahirapan na kayo sa november o december dahil madaming nagki-christmas shopping. pwede na po sila maglaro ng playstation 3 paglabas, kaya kung sino man ang magreregalo, our kids will be very happy to accept it.

Friday, May 9, 2008

this is the greatest news i ever heard

april pa lang nang mag-file kami ng marriage liscense, at narelease ito after 10 working days. pagkatapos ay nagpa-schedule na kami ng kasal kay mayor win gatchalian ng valenzuela, at nangyari nga nung huwebes, May 8. pero bago ang mga ito, meron munang mas naunang mga pangyayari na sobra sobra naming ikinatuwa.

noong May 1, labor day, dahil sa di maipaliwanag na laging pagkakahilo ng aking tabachoinkchoink, sinubukan namin na magpregnancy test. bumili ako ng kit sa mercury drug (php145 doon, pero sa mga suking tindahan ay php38 lang pala). and voila! ang aking tabachoinkchoink ay nagdadalang tao na pala, its positive, ang sabi ng kit! nung una, shock si misis. ako naman, sobrang tuwa. hindi maialis ang ngiti sa aking mga labi.

oo xerex, i have an announcement to make. i will be a father soon! tot to roroooot!

May 7, miyerkules, nagpunta kami sa chinese general hospital para kumonsulta sa kanyang ob-gyne. pagkatapos magbigay ng kanyang urine sample si misis, pinahiga sya ng doktora juliet para sa pap smear. nagkakapa kapa si doktora, ang comment lang nya ay siguro daw, nasa 11 weeks na ang baby dahil enlarged na raw ang kanyang uterus. itkenatbi! dahil galing ako ng singapore at 6 weeks pa lang ako na nasa pilipinas. at 100% sure ako na hindi ako nasalisihan. so para daw malaman ang exact age ng sinapupunan, magpa-ultrasound daw kami sa third foor.

pagkatapos magbayad ng php1,130 para sa ultrasound, salang agad si tabachoinkchoink.

after 10minutes, ito ang resulta ng kanyang ultrasound:

eto ang itsura ng result ng ultrasound, itinabi kasi ni doktora ang kopya kaya iginuhit ko na lang.

oo xerex, i still have an announcement, i will be a father soon... of a fraternal TWIN!!

hindi ko alam kung anong klaseng saya ang bumalot sa amin that time. it is the greatest news i heard in my entire life! nakakapanindig pubic balahibo. ganito siguro ang nararamdaman ng bawat magulang na mageexpect ng baby. everyday theres a miracle talaga. isang himala kung paano nabubuo ang isang baby sa loob ng tiyan ng ina in 9 months.

pagkakuha ng results, balik kami kay doktora juliet para ibalita ang napakagandang balita. tuwang tuwa siya pati ang kanyang assistant na si liza. tuwang tuwa sya dahil hindi nya akalain na magbubuntis si tabachoinkchoink ko, at kambal pa!

noong 2002 kasi, ay inoperahan sa ovary si misis, polycystic achuchuchu daw kasi ang kanyang ovary, meaning, maraming cyst at mahihirapan syang magconceive. its such a miracle and its definitely God's gift to us.

6 weeks and 2 days ang isang fertilized egg, at 6 week old naman daw ang isa, meaning, pagkadating ko galing singapore ay nakabuo na agad kami pagkatapos ang umaatikabong aksyon. kaya ang sabi ni doktora juliet, extra care ang kailangan. pwede pa daw kasing mawala ang isa dahil high-risk talaga ang multiple pregnancy. or pwede din mawala pareho kung mahina ang kapit ng babies. at napagalaman ko rin, na karamihan sa mga multiple pregnancies ay premature births. kaya dapat doble ingat.

sa ngayon, pahinga muna si tabachoinkchoink ko. as in wala munang trabaho. bahay lang, bedrest. ako na lang muna ang kakayod sa abroad at sasaktuhin ko, pagbalik ko sa november or december, na nasa piling ako ni tabachoinkchoink sa paglabas ng aming mga anghel galing langit.

kung malakas kayo kay God, please include the babies in your prayers na sana, maging okey ang kanilang magiging development hanggang sa kanilang paglabas, pati syempre ang aking tabachoinkchoink, na sana manatiling malusog sa pagdadala ng aming nestle twins.