Thursday, October 30, 2008

i believe i can fly...


and now i will.

again.

* * *

habang binabasa nyo ito ay marahil nasa himpapawid na ako at nasa 9 oras na byahe papuntang qatar. magkahalo ang nararamdaman ko ngayon, malungkot at masaya.

malungkot: dahil alam naman nating lahat kung bakit, anim na buwan na naman kaming magkakahiwalay ni bachoinkchoink.

masaya: dahil walang tfc sa qatar, anim na buwan ko ding hindi makikita si willie revillame at ang kanyang araw araw na concert sa wowowee (huwag ka nang magpapaboogie).

walang pakialamanan ng trip.

Saturday, October 25, 2008

idol

dahil malapit na naman ang opening ng nba season.

disclaimer: ang ilang nilalaman ng post na to ay kabulastugan lamang at hindi dapat seryosohin. anumang pagkakapareho ng mga ito sa tunay na buhay ay pawang nagkataon lamang. bawal ang sensitive.

aba ginoong dwyane wade
napupuno ka ng highlights
kaming taga-hanga mo'y sumasaiyo
ubod kang pinagpala noong 2006
at tiyak na pagpapalain sa susunod pang years

oh dwyane wade, ang 2006 finals mvp
pakinggan mo kaming humahanga
mapanood ka sana namin ng live balang araw
kami'y nababakla natutuwa kapag ika'y naglalaro.


agoy!

* * *

habang naglalakad kami ni bachoinkchoink sa isang mall, nakakita ako ng dvd ng idol kong si dwyane wade. istorya ito ng buhay niya, kung paano siya lumaki sa drug infested neighborhood sa chicago, kung paano siya muntik nang hindi makapasok sa college school dahil bagsak sa entrance exam, kung paano siya nakilala sa basketball nung college hanggang sa mapadpad sa nba at magchampion nung 2006.

wala lang naikwento ko lang.



naalala ko, first time ko pala itong magkaroon ng original na dvd. parang nagiging panata ko na tuloy na sa tuwing bakasyon ko eh meron akong nabibiling memorabilia. ito naman ang mga nabili ko last year, na nagpapailing na lang sa asawa ko.





kaysa naman gumastos ako sa pambababae di ba?

Wednesday, October 22, 2008

slow down the clock

isa sa pinaka ayaw kong lugar sa pilipinas ay ang second floor ng ninoy aquino international airport. lagi kasing malungkot ang mood tuwing mapupunta kami dito. dito nagaganap ang mga huling babye, iyakan at habilin ng mga aalis para sa mga maiiwan. sumisimbulo ng ilang buwan o taon na naman ang dapat bunuin para makabalik sa comfort zone at makasama ang mga mahal sa buhay. at next week ay pupunta na naman ako sa impaktong lugar na yan.



pero nagpapasalamat na rin ako at binigyan ako ng amo ko ng 2 weeks extension dagdag sa ipinaalam kong 1 month emergency plus rotational leave. sabi nga ng daddy ko, sa tinagal nya sa abroad hindi pa niya natry magbakasyon ng ganon kahaba. sa wari ko naman eh base to base casis lang naman talaga dahil alam naman ng lahat kung ano ang nangyari sa amin. kahit gaano kahaba naman ang bakasyon, talagang mahirap kapag parating na ang bye bye time.

on the positive note, hinahanap hanap na rin ng katawan ko ang trabaho. meron kasi akong parang napagiiwanan na pakiramdam kapag matagal akong nakabakasyon. kailangan ko ng bumalik sa agos ng buhay at kailangan na rin madagdagan ang ipon kung meron para siyempre sa future at sa mga bayarin. kapag nasa bakasyon kasi, puro withdrawals ang makikita sa mga passbook sa banko ng mga ofw.

at kapag naaalala ko ang mga bagay na ganyan, nasusura na naman ako sa gobyerno ng pilipinas. talagang kahit saan mo tignan, talagang sa gobyerno ang sisi. kung bakit kailangan pang lumayo at mapunta sa ibang bansa para lang kumita ng kaunti. and so on and so forth so help me god.

tapos mababalitaan mong 7 million pesos ang baon ng isang general sa russia. tanginangyan.

tama na muna ang drama at pagkamuhi. manonood muna kami ng pba sa araneta.

Wednesday, October 15, 2008

once upon a rainy day

nilubos lubos ko na ang katamaran ng katawan ko kahapon. eto ang pangarap kong araw nung nasa qatar ako.

9:00am - nagising na lang ako na malakas ang ulan sa labas, at nakadantay sa akin si bachoinkchoink habang naghihilik pa rin. ang breakfast namin ay tinapang galunggong na may sawsawang suka't bagoong na galing pa ng malabon. sabay higop ng mainit jimm's 5-in-1 coffee.

9:30am to 1:00pm - nag-internet at naglaro ng aking itlog psp with my newly downloaded final fantasy VII: crisis core. kakasimula ko lang kanina, astig ang gameplay, story, graphics at cinematics. ito na yata ang pinakamagandang title sa psp bukod sa gta series. ang lakas mangubos ng oras.


1:00pm - ang lunch ay piniritong breaded porkchop at meron pang ceasar's salad.

1:30pm to 7:00pm - internet at pototoy psp ulit. oo xerex, hindi pa ko naliligo.

7:00pm - meron din pala akong nagawang kapaki-pakinabang kahit papano. tinulungan ko ang daddy sa pagiihaw ng mga dambuhalang pusit na amoy tocino dahil marinated.


sarap kumain ng matatabang mga galamay na sinawsaw sa toyomansi habang malamig ang panahon. nyaawr!



pasensya na talaga sa mga kaibigan kong wala sa pilipinas at naglalaway, makakaganti rin kayo hehehe.

8:00pm to 10:00pm - nag-internet ulit at tinapos ang post na 'to. oo xerex, ngayon pa lang ako maliligo.

* * *

natutuwa ako dahil nakapagsimula nang magsulat si bachoinkchoink ko sa kanyang blog. pwede nyo siyang bisitahin dito.

napapagod na rin siguro siya kakakwento sa mga nagpapakwento sa nangyari. kaya minabuti niyang magkaroon ng official statement sa mga press release.

Monday, October 13, 2008

twist and shout

sa isang tindahan tulad ng watson's, may customer na nakapila at magbabayad na sa cashier...

cashier: (shouting to the stockboy) "magkano trust lubricant?, walang presyo ito!"

stockboy: (shouting back to the cashier) "saan yan? anong aisle?!"

cashier: (shouting back to the stockboy) "ano ka ba?, dyan lang yan sa mga condom!"

stockboy: (shouting back to the cashier) "puro trust condom lang nandito walang lubricant! hindi ko produkto 'to tawagin mo yung trust stockboy!"

cashier: (goes to the PA system) "paging trust stockboy, paging trust stockboy!, paki-replenish lang trust lubricant, may customer dito kanina pa naghihintay!"

customer: "di bale na lang miss..."



note: this is NOT a true to life story of the owner of this blog.

Friday, October 10, 2008

i'll eat you dirty

kapag nasa abroad, kahit anong sarap ng pagkain na ihain sa iyo ay hahanap hanapin mo pa rin ang mga pagkaing kinalakihan mo at ang nagpapaalala sayo ng bansang iyong pinanggalingan. kapag meron ngang dumadating galing pilipinas, isang espesyal na pasalubong para sa mga ofw ang makatikim ng bagoong, galunggong, daing, sardinas at iba pa na hindi mahahanap sa abroad.

bawal ang baboy sa qatar (although may nagbebenta rin underground), nakakapaglaway kapag mayroon nagdadala ng adobong baboy, chicharong baboy o kahit ano basta may baboy. namimiss ko rin ang binababoy kapag nasa qatar. hindi katulad dito sa pinas na sagana sa baboy. madaming baboy. tanginang mga baboy. teka, pagkain nga pala ang topic ko...

in a certain amount of time na nasa overseas, pinagkakaitan ka ng pagkakataon na makakain ng mga gusto mong makain na very available sa bansang pinanggalingan. kaya sa tuwing nakabakasyon, i see to it na makakain ng mga pagkaing matagal ko nang hindi natitikman. ang pinya.

at noong isang araw nga, habang sinamahan ko si bachoinkchoink sa bayan para magpagupit, nadaanan namin ang isang umpok ng mga tindero ng fishballs at malaking kwek kwek. streetfoods. pinipigilan at kinokonsensya pa ko ni bachoinkchoink dahil nga dugyot at madudumi ang mga iyon, sagana rin ito sa pagkakaroon ng hepa-A at gastroentiritis. pero nanalo pa rin ang katakawan ko. ang point ko naman, walang ganun sa qatar kaya once or twice a year lang ako makakakain ng ganun, kayang kaya naman siguro itolerate ng tiyan ko ang mga dumi at bacteria non.

sinong makakatanggi sa sarap ng lumalangoy na fishball sa mantika sa bangketa, sabay sawsaw sa masarap na suka na puno ng sibuyas at may sili, o kaya sa matamis na sauce na pambata?

namiss kita, oh fishball ni kuya...


at sinong hindi tatakamin sa sarap ng coating na orange na ibinalot sa itlog ng itik at ibabad ito sa mangkok na may suka rin?

namiss din kita, oh itlog ni manong...


isang patunay iyan na hindi mo kailangan ng maraming pera para lang lumigaya, para sa kin, isa ito sa mga simple pleasures in life.

PS: at kapag nakatiyempo pa ako ng hilaw na mangga at singkamas na nakasakay sa tricycle na de-padyak with masarap na bagoong na binudburan ng asin... yari ka sa kin.

Friday, October 3, 2008

children of valentines

last trimester ng taon ang pinakapaborito kong season. madaming reasons para maging favorite ito. christmas, new year, bigayan ng bonus, at ang malamig na simoy ng panahon. ito ang tamang panahon para dumiga at magtapat ng nararamdaman kung gusto mong sagutin ka ng nililigawan mo. mapalalake man o babae, gusto ng kahit sino ng kayakap kapag nagiinit nilalamig. pero ibang topic yan.

pagtapak kasi ng ber months, panahon na ng kabirthdayan ng aming pamilya. september si trishabiik, october si mommy at bunso, ako ang sa november at si daddy ang december. ewan ko kung sinasadya iyan pero hindi ko pa natanong sila mommy at daddy.

at ngayon nga ang 51st birthday ng pinakamamahal kong mommy. hinatid ko sila sa naia 3 at nagpunta silang apat sa bohol para magbakasyon saglit. hindi kami kasama ni bachoinkchoink dahil nasa qatar pa ako supposed to be at 7 months na ang kambal supposed to be. kaya kami ang taong bahay ngayon dito sa valenzuela, parang practice na rin bilang magasawa na may sariling bahay. ang hirap pala magisip ng uulamin sa maghapon, naubos na nga ang mga naisip ko: sardinas, cornedbeef, luncheon meat, hokkaido mackerel, hotdog at itlog na pula with kamatis.

happy birthday mommy! labyu!

* * *

napapansin ko, buwan ng oktubre ang pinakamaraming merong may birthday. kung ikukumpara sa ibang mga buwan, laging angat ang bilang ng mga nagdidiwang sa buwan na to. napapaisip tuloy ako kung kailan ginawa ng kanilang mga magulang ang mga octoberians...

september... august... july... june... may... april... march... february!

talaga palang may epekto ang mga nararamdaman nating lindol tuwing buwan ng mga puso (daw). lalo sa edsa-balintawak at malate, kung saan naulat na mga sentro ng lindol.

Thursday, October 2, 2008

caregiver

kung hindi nangyari ang mga ayaw nating mangyari, sa bulacan sana muna titira ang aking magandang asawa at aming mga anak. iyon ang plano. sa katunayan, under construction ngayon ang extension ng bahay para sa aking magiina. mahirap pa kasing bumukod agad kami kung lalagi pa naman ako sa abroad at iiwan ko si bachoinkchoink sa pagpapalaki sa dalawa. kaya napagdesisyunan namin na doon muna kami sa kanila para may kasama siya sa pagpapalaki sa dalawa habang sanggol pa sa tulong ng kanyang pamilya.

pero we were caught unguarded. walang nag-akala na mauuwi sa ganon ang story.

kaya mula nung dumating ako dito sa pilipinas almost three weeks ago, doon sa bahay nila bachoinkchoink sa bulacan muna kami nakatira. doon, ako ang kaniyang alalay/nurse/caregiver/driver/runner/katsismisan. doon ko binubuhos ang aking tender loving care para gumaling agad ang kanyang sugat, physically and emotionally.

ngayon ako bumabawi sa kanya dahil nung naglilihi siya, wala siyang mapaginitan at mapahirapan sa paghahanap ng mga gusto nyang kainin gaya ng mga napapanood sa pelikula.

twice a day kung linisin ko ang sugat nya sa puson. ako ang naglilinis at nagpipiga ng sugat para kumatas ang nana, nagpapahid ng ointment at nagpapalit ng gauze pad. ako ang nagbabangon sa kaniya tuwing maiihi siya sa madaling araw, at naglilinis ng arinola sa umaga. etsetera etsetera.

lahat nang iyan ay masaya kong ginagawa, bawat task ay isang masarap na kiss ang aking gantimpala. para akong dolphin sa isang dolphin show na nag-aabang ng reward na isda pagkatapos ng isang trick.